Inilahad ni Pauline Mendoza na naging hamon sa kaniya ang pagpapapayat para magampanan ang kaniyang pinakaunang mature role sa upcoming Kapuso series na "Widows' Web."
Gagampanan ni Pauline si Elaine Innocencio, dating empleyado sa isang hotel na magsasagawa ng undercover investigation para sa misteryosong pagkamatay ni Alexander Sagrado III, dahil naniniwala siyang napagbintangan lang ang kaniyang fiancé na si Frank Querubin.
"I'm very excited about this and really grateful talaga dahil this is my very first matured role. Kakaiba siya sa roles ko in my previous teleserye which is 'Kambal, Karibal' 'Babawiin Ko Ang Lahat,'" sabi ni Pauline sa GMA Regional TV Early Edition.
Kahit mahirap, sinubukan umano ni Pauline na magbawas ng timbang para magmukha siyang matured sa kaniyang role.
"Very challenging ito, inaamin ko nga, sinasabi sa interviews na pressured pa rin, pero I take it as a challenge talaga to motivate myself as an artist na kailangan ibigay ko 'yung 100% ko for this role, I had to give justice to this role for Elaine Innocencio kasi sobrang bigat ng karakter ni Elaine dito at talagang marami siyang pinagdaanan," dagdag pa ng Kapuso actress.
Ayon kay Pauline, iba ang kaniyang karakter na si Elaine sa tatlo pang babae na nasa istorya, na gagampanan nina Carmina Villaroel, Ashley Ortega at Vaness del Moral.
"Si Elaine nasa laylayan siya. The other women, sila 'yung mga mayayaman," ani Pauline.
"Pinaglaban niya talaga 'yung pagmamahal niya sa isang tao. At siyempre, makuha ang tamang hustisya sa mga taong deserve 'yung katotohanan."
Kabilang din sa "Widows' Web" sina Adrian Alandy, EA Guzman, Christian Vasquez, Allan Paule, Tanya Gomez, Arthur Solinap, at si Ryan Eigenmann, na special guest bilang si Alexander Sagrado III.
Mapapanood ang "Widows' Web" ngayong Pebrero sa GMA Telebabad.
--FRJ, GMA News