Nagtamo ng mga sugat si Diether Ocampo matapos bumangga ang minamaneho niyang sasakyan sa isang naka-hazard na dump truck sa Makati City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita, sinabing nangyari ang insidente pasado 12 a.m. nitong Biyernes.
Makikita ang wasak na unahang bahagi ng SUV ng aktor sa service road ng Osmeña Highway southbound bago makarating sa Arnaiz Avenue.
Naging pahirapan ang pagsagip kay Diether, na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
"Parang nagre-resist siya eh, ayaw niyang magpadala eh, parang ayaw siyang magpakuha sa mga Red Cross personnel," sabi ni Joel Alicante, miyembro ng Bantay Bayan ng Barangay Pio del Pilar sa Makati.
Naialis din si Diether sa kaniyang SUV kalaunan saka dinala sa ospital.
Nakatigil ang nabanggang dump truck, dahil nangongolekta ng basura ang mga garbage collector.
"Nagdadakot po kasi kami dito sir, siya, bumubulusok. Pagbangga niya riyan, nagulat na lang kami. Napatakbo pa nga ako kasi akala ko anong nangyari. Nakita ko na lang ho na bumangga na siya riyan. Tapos pumunta na ho ako sa presinto, tumawag ako ng pulis," sabi ng garbage collector na si Nilo Villanueva.
Walang ibang nasaktan sa insidente, at wala ring kasama si Diether sa kaniyang sasakyan.
"Galing daw siya sa associate business niya, mga kasama niya. [Noong] umuwi na, ayun na ang nangyari, eh naka-stop ang dump truck dahil nagtatrabaho sila eh. Naka-hazard naman 'yung dump truck, hindi niya siguro napansin. Siguro nakatulog na siya eh. Positive po, nakainom," sabi ni Villanueva.
Hindi nakapanayam ng GMA News si Diether dahil dinala na ang aktor sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA News