Idinaan sa tawanan nina Ruru Madrid at Kylie Padilla ang kanilang kuwentuhan sa bago nilang vlog episode para matigil ang pag-iyak nila sa kanilang pinag-uusapan.

Sa naturang vlog, binalikan nina Ruru at Kylie ang kanilang buhay at pagiging magkaibigan.

Si Kylie, ibinahagi ang kaniyang buhay noong wala pa siyang anak, at ang nadama niyang kalungkutan sa pagiging mag-isa.

“Aalis ako, magtatrabaho. Wala akong kasama sa bahay, sa condo,” sabi ni Kylie kay Ruru.

“So sobrang lungkot ko noon tapos bina-bash pa ako. Naiiyak na ’ko,” natatawang sabi ng aktres sabay pahid sa luha.

“Minsan nakakapag-isip ako na bakit pa ko nandito, like what’s my purpose? So noong nabuntis ako, happy ako kasi may purpose na,” patuloy niya.

Sambit ni Ruru, "May uuwian ka na. May Kasama ka na.

“Grabe naiiyak ako,” natatawang pag-amin ni Ruru para pigilan ang emosyon.

Pag-amin ni Ruru, "Pagdating sa mga bata talaga, I mean wala pa akong baby pero …,” sabay palo sa kaniya ni Kylie na naiiyak na natatawa rin.

Ayon kay Kylie, nagkaroon na rin siya ng panahon na alagaan ang sarili nang maging single mom siya.

Binigyan-diin naman ni Ruru ang kahalagahan ng self-love, pero nilinaw niyang hindi ito nangangahulugan ng pagiging selfish.

Natutuwa rin ang aktor sa pagiging magkaibigan nila ni Kylie, at hindi sila nagkaroon ng romantikong ugnayan habang magkatrabaho.

“Aminado ako na kapag meron akong mga leading ladies, sometimes kung saan saan napupunta,” pag-amin niya, na sinabayan ng malakas na tawa ni Kylie.

“Delikado talaga. Hindi ko ide-deny ’yun. Pero sa ating dalawa, hindi tayo umabot sa ganoon eh. Wala tayong ganoon,” dagdag ako ng aktor.

“’Yun siguro yung nagiging advantage natin, na mas nauna ’yung pagiging professional then eventually lumalabas ’yung pagkakaibigan,” ayon kay Ruru.

“Ang ganda non,” ani Kylie.

“’Di gaya nung uunahin mo yung …” ani Ruru, na sinundan ni Kylie ng natatawang sagot na, “Landi.”

Panoorin ang masaya nilang kuwento sa video. – FRJ, GMA News