Ibinahagi nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang naranasan nilang pangamba sa COVID-19 bago at matapos ang New Year.
Sa kanilang YouTube video, sinabi ng celebrity couple na nagkasakit sila tulad ng matinding ubo bago pumasok ang 2022.
Sumailalim sila sa antigen at RT-PCR tests para alamin kung positibo sila sa COVID-19.
Negatibo naman daw ang resulta ng test sa buntis na si Jennylyn. Negatibo rin si Dennis at ang anak ni Jen na si Jazz.
Pero noong Enero 4, nagkaroon din ng sakit ang ibang kasama nila sa bahay.
Lumitaw na mayroong nagpositibo sa COVID-19 kaya nagpasya ang mag-asawa na bumukod na muna at tumira sa kanilang condo.
"After New Year, mga January 4, may isang tao na na-expose. Tapos ‘yun sunud-sunod na ‘yung buong bahay, except kaming dalawa ni Dennis at si Jazz," ani Jennylyn.
Pero hindi kasama ng mag-asawa si Jazz sa condo dahil na exposed ang bata sa kaniyang yaya na nagpositibo sa COVID-19.
“Kaya hindi namin kasama si Jazz ngayon kasi exposed naman siya roon sa yaya niya na positive rin. Sinigurado muna namin, siyempre baka maging carrier si Jazz at mahawa rin ako,” ani Jen na anim na buwan nang buntis.
Ayon kay Jen, si Dennis ang nag-aasikaso ng lahat sa condo. "Si Dennis ang halos lahat gumagawa ng mga bagay rito sa condo. Ayaw niya naman akong pakilusin. Si Dennis ang nagluluto, lahat-lahat, naghuhugas, naglilinis.”
Nagbigay din ng ilang payo ang mag-asawa bilang pag-iingat sa virus tulad ng hindi kaagad paghawak sa mga ipinapadalang bagay sa kanilang bahay.
Ibinahagi rin ng aktres kung gaano siya iniingatan ni Dennis at ang ginagawa niyang pangangalaga sa sarili kaugnay ng kaniyang pagbubuntis.
Ayon kay Jen, dalawang linggo silang nanatili sa condo at na-practice nila ang pagiging buhay mag-asawa.— FRJ, GMA News