Inihayag ni Dingdong Dantes na nagpositibo siya at ang kaniyang pamilya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Facebook post, sinabi ng Kapuso actor na huling araw na ng kaniyang quarantine nitong Linggo.
Ibinahagi rin niya ang hirap na hinarap nila sa nakalipas na dalawang linggo.
Nagkasintomas daw sila ng sakit at nang magpa-test ay nagpositibo sila sa virus. Mabuti na lang daw at bakunado na sila ng COVID-19 vaccines at may booster na rin.
"Hanggang sa lahat kami dito sa bahay nilagnat na at nagkaroon ng sintomas kaya iniisip namin mukhang ‘eto na ‘yun, mukhang nasama na kami sa surge so nag-test kami at ‘yun na nga nag-positive kami sa COVID," kuwento ng aktor.
“Hindi namin alam kung saan at papaano kami nahawa pero mabuti nalang [ay] mild lang ang simtomas namin,” dagdag niya.
Dahil hindi sila makalabas para bumili ng gamot at pagkain, nagpapasalamat si Dingdong sa mga tumulong sa kanila, kabilang ang mga kaanak at mga kaibigan, lalo na sa kaniyang ina na nagpapadala ng paboritong pagkain ng kaniyang mga anak.
Sinabi ni Dingdong na mabuti na ang pakiramdam niya, at hindi raw dapat ikahiya kung dapuan ng COVID-19.
“Hindi po kasalanan o dapat ikahiya ang pagkakaroon ng COVID kasi kahit anong pag-iingat ang gawin, nandiyan pa rin ang panganib na makuha ito,” saad niya.
Bukod sa pagsunod sa health protocols, sinabi ni Dingdong na dapat magpabakuna at booster shots.
“'Yung pagsubok na ‘to na pinagdadaanan natin ng buong mundo, isang napakahirap na hamon para sa ating lahat pero malalampasan nating lahat ito kung tayo’y magtutulungan at patuloy na iisipin ang kapakanan ng bawat isa,” ayon sa aktor.
—FRJ, GMA News