Nakauwi na sa kaniyang pamilya ang overseas Filipino worker (OFW) na naaksidente at napilitang umuwi sa Pilipinas, matapos sagutin ni Willie Revillame ang gastusin niya sa ospital.
Sa Wowowin nitong Biyernes, mapapanood ang paglabas ni Rodel De Leon ng Pateros sa ospital matapos sagutin ni Kuya Wil ang P178,000 halaga ng kaniyang mga bayarin sa ospital.
"Maraming, maraming salamat po! Ito po nakalabas na ako, makikita ko na 'yung pamilya ko," sabi ni Rodel.
"Kuya Wil maraming, maraming salamat sa iyo. Ito na ang aking anak na si Rodel na binigyan mo ng tulong. Napakalaking biyaya ang binigay mo sa amin... Wala kaming mahagilap ng salitang pasasalamat sa pagtulong na ibinigay mo sa aking anak," mensahe ni Iluminada, nanay ni Rodel, sa Wowowin host.
Binati at pinasalamatan nina Iluminada at Rodel si Willie, na magdiriwang ng kaniyang ika-61 kaarawan sa Enero 27.
Ayon kay Iluminda, nagkaroon ng problema sa kalusugan ang kaniyang anak dahil sa pagbubuhat ng mabigat habang nagtatrabaho sa Macau.
Pero nang maubos na ang kaniyang health insurance sa pagpapagamot doon nang hindi gumagaling, umuwi na si Rodel sa Pilipinas noong nakaraang Disyembre at diretso na siya sa ospital. —LBG, GMA News