Marami man ang nabago sa orihinal na plano ng kanilang dream wedding, malaki naman ang natipid nina Kevin Santos at kaniyang naging misis na si Raphee delos Reyes sa kanilang naging simple wedding.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ikinasal sina Kevin at Raphee nitong unang Linggo ng Enero.
Umuwi sa Pilipinas noong Disyembre para sa kasal si Raphee, na nagtatrabaho bilang frontliner sa Australia.
Gayunman, marami ang hindi nasunod sa orihinal na plano ng kanilang dream wedding dahil sa pangamba sa COVID-19 pandemic.
"Siyempre kulang lang dahil wala kaming prenup, wala kaming mga na-set na gano'n. Eh ang dami naming gustong puntahan dito sa Philippines, pero wala ngang chance dahil bigla na lang nagkaroon ng Omicron. Ang hirap ng situation," sabi ni Kevin.
Wala ring magarbong gown, at puro close family at friends lang ang inimbitahan, at sa isang hotel ginawa ang kasal at reception.
Gayunman, nagulat ang mag-asawa sa laki ng natipid nila sa wedding budget.
Idadagdag na lang daw nina Kevin at Raphee ang kanilang savings sa kanilang future plans.
"Super practical siya dahil nga sa situation natin, hindi ka pupuwedeng gastos nang gastos kasi hindi mo alam kung anong mangyayari sa susunod. At least ang ganda naman ng kinalabasan ng wedding. So nakatutuwa pa rin kahit paano," sabi ni Kevin.
Maituturing nina Kevin at Raphee na "labor of love" ang kanilang kasal dahil wala rin silang wedding coordinator, kaya masasabi nilang ito na ang pinakamagandang wedding gift nila sa isa't isa.
"Si Raphee siya ang nakikipag-usap online then ako ang lumalakad, ako ang pumi-pick up ng souvenirs, ako ang pumi-pick up ng cakes, lahat ng papeles ako, ako ang umaasikaso. Siya ang more on communication, ako ang more on legwork," anang aktor.
Bumalik na sa Australia si Raphee samantalang balik sa training naman sa pagiging piloto at pagiging artista si Kevin.
Ayon kay Kevin, tinitiis muna nila ang LDR para makaipon bago sila magplano ng baby. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News