Tinamaan din ng COVID-19 ang aktor na si Vin Abrenica at ang kaniyang mag-ina na sina Sophie Albert, at ang 10-buwang-gulang na si baby Avianna.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras Weekend,” sinabi ni Vin na nagsimula siyang makaramdam ang sintomas ng sakit nang dumalo siya sa isang family gathering.
Nang magpa-COVID-19 test, lumitaw na positibo siya, at sumunod na rin si Sophie at ang kanilang baby.
Negatibo naman daw ang ibang miyembro ng kaniyang pamilya na dumalo sa pagtitipon.
Parang torture daw ang naranasan ni Vin habang nadidinig ang anak na umiiyak pero hindi siya makalapit dahil naka-isolate siya sa ibang kuwarto ng kanilang bahay.
“Naririnig mo yung torture ng iyak ng baby mo ta’s ‘di siya makatulog tsaka 'yung paghinga raw sabi ni Sophie so syempre naririnig ko lang sila,” kuwento niya.
Maayos na kalagayan ang kalagayan ngayon ni Vin at ang kaniyang mag-ina.
Habang nais niyang magbigay ng paalala sa iba na maging ang mga sanggol ay dinadapuan din ng virus.
“Sinasabi kasi dati na malakas ang immune system nila when it comes to COVID but this time, sapol sila. The hospitals, maraming babies at napakahirap ‘pag tinamaan sila,” pahayag ng aktor.
Bukod kina Vin at Sophie, ilang kilalang personalidad din at kanilang pamilya ang tinamaan ng COVID-19. Kabilang diyan sina Iya Villania at Drew Arelleno, at mga anak, at ang pamilya ni Ina Raymundo, at mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales.—FRJ, GMA News