Sa pagtatapos ng "Tunay na Buhay" na higit isang dekadang napanood ng mga Kapuso, binalikan ng dating host nito na si Rhea Santos ang mga hindi niya malilimutang kuwento na itinampok sa programa.
Bago nakilala bilang "Tunay Na Buhay," una muna itong binigyan ng titulo na "True Stories" noong 2010, na si Vicky Morales ang host.
Isang taon ang nakalipas, tinawag na itong "Tunay Na Buhay," na si Rhea Santos na ang host.
Tumagal ng walong taon ang pagiging host ni Rhea sa programa bago siya umalis upang manirahan na si Canada.
At sa pag-alis ni Rhea, si Pia Arcangel naman ang humalili sa kaniya.
Sa panayam ni Pia, inihayag ni Rhea na ang love story ng mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes, ang kaniyang kinakiligan.
Hindi niya rin malilimutan ang feel good interview niya nang sabay kina Jose Manalo at Wally Bayola.
Aminado rin si Rhea na marami siyang iniyakan na mga kuwento ng ordinaryong tao na naitampok sa programa.
"Usually ang iniiyakan ko talaga kapag kuwento ng bata at saka mga kuwento ng mga matatanda," saad niya.
Nakapupulot din siya ng inspirasyon at lakas ng loob sa mga naitatampok na kuwento dahil nakikita niya ang katatagan ng mga tao na kanilang nakakausap sa kabila ng matinding pagsubok na pinagdadaanan sa buhay.
Partikular na istorya na hindi nakakalimutan ni Rhea ang kuwento ni Moises, isang lalaki na biglang naparalisa ang katawan, at ang matandang bulag na si Tatay Eleseo, na umaakayat sa puno ng niyog para kumuha ng materyales gawing walis-tingting.
Alamin ang ilan sa mga tumatak na kuwento ng "TNB" sa video na ito.
--FRJ, GMA News