Inihayag ni Chito Miranda ang kaniyang paghanga sa mga kabanda niya sa Parokya Ni Edgar, na dahilan kung bakit hindi siya puwedeng maging solo singer.
"Sinoundtrip ko ulit yung bagong album namin nung bisperas ng bagong taon, habang nakatambay sa tapat ng bonfire," sabi ni Chito, na ibinahagi sa Instagram ang isang throwback photo ng banda.
Sa naturang photo, makikita si Chito na payat pa, nakasuot ng salamin, baggy jeans at isang maluwag na checkered polo shirt.
"Sobrang amazed na amazed ako sa talent and skill ng mga kabanda ko, at ng mga artists and engineers that were involved in creating the album, at sobrang thankful ako kasi I got (and get) to work with them," ayon sa mang-aawit.
Sinabi pa niya na kada kanta na mapakikinggan niya, ibinibida niya sa asawang si Neri kung gaano katalentado ang kaniyang mga kabanda at ang kanilang team.
"Bawat song, I'd point out to Neri kung gaano kagaling yung kabanda ko, or yung katrabaho namin na artist, arranger, or engineer on that track, and explain to her kung paano at gaano nila pinaganda yung kanta," saad niya.
"Sa kalagitnaan sa album, Neri asked me, 'Eh ikaw? Hindi mo ba bibigyan ng credit ang sarili mo? Hindi ka ba magaling?'"
Huminto si Chito at napaisip, "alam ko naman na magaling ako (sabay tawa ng slight) pero di talaga dumaan sa utak ko at all na may kinalaman ako sa kagandahan ng mga kanta. (Kahit ako pa yung sumulat hahaha)."
"Hindi ako nagpapaka-humble ha? Hindi ko lang talaga naisip."
Ayon kay Chito, ito ang dahilan kung bakit nagtagal ang kanilang banda.
"Kasi we rely on, and appreciate the people we work with, and credit them when we come up with something that we like and enjoy ... more so than ourselves."
"We always think that it's somebody else's 'fault' why maganda ang isang kanta ... instead of saying na 'kasalanan ko kung bakit maganda yan.'"
Kung kaya naman inilahad ni Chito kung bakit hindi siya maaaring mag-solo.
"Maliban sa fact na ayoko mag-isa at mas masaya talaga pag sama-sama, tumatak na sa ulo ko na hindi ko kaya gumawa ng magandang kanta na wala yung mga kabanda ko, at yung mga katrabaho namin," sabi niya.
"Again, hindi ako nagpapaka-humble ha!" he added. "Aware lang ako na mas maganda yung kalalabasan ng mga ginagawa kong kanta sa tulong ng mga kabanda ko, at mga taong nakapaligid sa amin ... and I acknowledge the fact that I am blessed to be working with talented people like them."
Binati ni Chito ng Happy New Year ang kanilang fans, kasabay ng pag-promote niya ng kanilang album. --FRJ, GMA News