Emosyonal na nagkuwento si Janna Dominguez tungkol sa naging hidwaan nila ng kaniyang ama, na ipinanalangin niyang mapatawad na niya.
"Yes naman, matagal naman na. Kaso kasi, hindi kami okay ng tatay ko. 'Yung nanay ko, hindi ako lumaking kasama niya, nasa Japan siya ngayon," kuwento ni Janna sa "Mars Pa More."
Kaya ayon kay Janna, tinuruan niya ang kaniyang sarili na maging magulang nang hindi natututo sa sarili niyang mga magulang.
"Kasi noong 2021, 'di ba Father's Day. Kasi nga dahil may samaan kami ng loob noon, marami nang pinaghugutan 'yun eh. Nag-comment talaga siya through social media na 'even ang tatay mo hindi mo mabati ng Father's Day?'"
"So siyempre may dahilan 'yon. Basta marami na 'yon. Tapos binati ko 'yung asawa ko bilang father. Tapos minessage ko 'yung sister ko na, sabi ko kausapin mo 'yung tatay natin kasi parang ayoko rin kasi na pahiyain siya kasi at the end of the day magulang natin siya, andu'n pa rin 'yung honor your father, honor your parents," pagpapatuloy ng komedyana.
Bagama't aminado si Janna na hirap pa siyang patawarin ang kaniyang ama, panalangin niyang maging bukal din ito sa kaniyang puso.
"Pero siyempre 'yung forgiveness, puwede mong sabihin na, 'oo na-forgive na kita, okay na,' pero hindi siya bukal sa puso ko. This [past] year pinag-pray ko 'yun lahat. And maybe this year magkakitaan kami ulit. Para marunong na rin akong makipag-usap sa itaas," sabi niya. – Jamil Santos/RC, GMA News