Nagtungo ang Wowowin host na si Willie Revillame sa Siargao Island nitong Huwebes para tingnan ang sitwasyon at tulungan ang mga kababayang sinalanta ng bagyong Odette.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing si Kuya Wil mismo ang nagpalipad ng helicopter para makita ang kalagayan ng lugar at matiyak na tuloy-tuloy ang tulong na matatanggap ng mga biktima.
Bukod sa tig-P200,000 ibinigay ni Kuya Wil sa ilang isolated na barangay sa Siargao, nangako rin siya na magbibigay ng tig-P1 milyon sa siyam na bayan sa isla.
"Nagbigay ako ng personal kong pera sa siyam na mayors, tig-P1 million. Sabi ko, bubong at pagkain ang kailangan, so 'yon muna. Uuwi ako ngayon para ma-withdraw 'yung pera, mapirmahan ko 'yung tseke para bukas dadalhin dito 'yung P9 million kasi gusto ko itong Pasko meron na silang makakain," sabi ni Kuya Wil.
Pansamantalang hindi napanood si Kuya Wil sa Wowowin nitong Miyerkoles, na pinalitan muna ng kaniyang impersonator na si "Kuya Wowie," na ginagampanan ni comedy genius Michael V. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News