Inilahad ni Myrtle Sarrosa, kilala sa kaniyang pag-cosplay ng iba't ibang anime character, na ang anime ang kaniyang naging daan upang malampasan ang naranasang bullying at magkaroon ng mga bagong kaibigan.
"Noong bata pa ako hindi ako nahilig masyado sa cartoons, sa anime talaga. Tapos excited na excited ako laging umuwi para manood ng anime," sabi ni Myrtle sa "Tunay na Buhay."
Sa likod ng pagkahilig ni Myrtle sa anime ang malalim niyang hugot dito.
"Noong grade school ko kasi, the reason din kung bakit sobra akong nahilig sa anime was because ayokong masyadong nagsi-stay sa school. Kasi noong bago ako sa isang school ko, medyo na-bully ako. Naging katuwaan nila na kapag merong game na may tatapunan ng sand, paper, tinatapon nila sa akin before sa school," saad ng Kapuso actress.
"Dahil doon, na-traumatize ako before sa school na parang ayokong pumasok," paglalahad pa niya.
Ang pagkahilig sa anime rin ang naging inspirasyon at daan ni Myrtle para magkaroon ng mga bagong kaibigan dahil magkakapareho sila ng pinanonood na mga anime.
"Apat kami na naging mag-best friends kasi every after school, sasamahan nila akong umuwi tapos nanonood din sila ng anime with me, which was sila na 'yung naging group of friends ko eventually," sabi ni Myrtle.
Ang natutunan daw ni Myrtle sa anime: "Okay, I may start out weak but eventually you'll become stronger."
Nagamit din ni Myrtle ang kaniyang pagiging "otaku" o pagkahilig sa anime sa kaniyang pag-aaral.
"Doon ko na-realize na 'Uy bakit gano'n? Bakit parang lahat ng mga ginagawa ko sa school may purpose? Nage-gets ko 'yung mga tinuturo nila sa akin. Tapos 'yung passion ko into cosplay nagagawa ko into papers, into productions."
Taong 2017 nang grumaduate si Myrtle bilang cum laude sa Mass Communication sa UP Diliman. —LBG, GMA News