Ibinahagi ng mag-asawang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang kasarian ng paparating nilang baby.

Sa latest video sa YouTube channel ni Jennylyn, inilahad nina Jennylyn at Dennis na ginawa nilang isang selebrasyon na lang ang kanilang kasal at gender reveal ng kanilang anak na isang babae.

Hiniwa nina Jennylyn at Dennis ang cake, hanggang sa natuwa ang kanilang mga panauhin na kulay pink na cake ang nasa loob, na nangangahulugang baby girl ang kanilang inaasahan.

"Noon pa lang, gusto talaga namin ni Jen na magkaroon na ng baby girl. Kasi siyempre 'yung mga anak namin puro lalaki. Gusto naman namin ng ibang mapaglalaruan, bibihisan, lalong lalo na si Jen, tuwang tuwa siya sa baby girl," sabi ni Dennis.

Dagdag naman ni Jen, mahilig daw sila ni Dennis na hiramin ang mga baby girl ng kanilang showbiz friends na sina Empress schuck at Sheena Halili.

Inihayag din nina Jennylyn at Dennis na baby girl ang gusto nilang maging anak nang pinaplano nila ang surrogacy. --Jamil Santos/FRJ, GMA News