Inihayag ni Barbie Forteza na handa na siya sa mga mature na roles, pero hindi kasama ang mga daring scene.

"Mature, yes, I'd like to say yes, pero not daring particularly. Hindi naman ibig sabihin mature roles eh daring na rin 'di ba?" sabi ni Barbie sa Kapuso Showbiz News.

Sinabi ni Barbie na gusto muna niyang bigyan ng oras ang sarili para makapaghanda sa daring na roles.

"I'm not saying na hindi ako dadating doon, but I want to take things slow," saad ng Kapuso actress, na muling pumirma ng kontrata kamakailan para manatiling Kapuso.

"Pero yes, hopefully in this new chapter in my career, Hopefully yes, you will see a more mature Barbie, more serious Barbie and a braver Barbie," sabi pa ni Barbie.

Labing dalawang taon na si Barbie sa Kapuso Network.

"I feel kind of old. Kanina na-realize ko sinabi ng host 12 years, parang 'yun din ang edad ko noong pumasok ako sa GMA. So grabe ang tagal na pala."

"Kasi para sa akin in-enjoy ko lang eh, nag-enjoy lang ako sa buong journey. So nagulat ako na, wow, has it already been 12 years?" dagdag pa niya.

Gusto ni Barbie na makagawa pa ng maraming pelikula, mapa-independent man o mainstream film, dahil iba pa rin ang disiplina nito kaysa teleserye.

Inilahad din niya ang role na gusto niyang subukan sa teleserye.

"Kung teleserye naman, gusto ko siguro medyo action, para ma-challenge ako," saad niya. --FRJ, GMA News