Pumanaw na ang madre na ginawan ng pelikula ang buhay noon na "Sister Stella L," at pinagbidahan ni Vilma Santos.
Ayon sa Religious of the Good Shepherd, payapang pumanaw sa edad na 78 si Sister Stella L., o Mary Rosary Battung sa tunay na buhay, sa Maria Droste Wellness Center sa Quezon City.
Kilala rin si Battung, bilang si Sister Chayong, na nakipagtulungan sa mga unyon ng manggagawa sa Cavite, at tumulong din sa mga mahihirap sa Tondo sa Maynila.
"Throughout her ministries, she has always preferred to be among the urban and rural poor, the neglected, and with those who have been deprived of their basic human rights," ayon sa inilabas ng konggregasyon na kinabibilangan ni Battung.
"In popular culture, the 1984 film 'Sr. Stella L.' was based on her life but she herself would say the film is about activist nuns in general," dagdag nito.
Inihayag din ng konggregasyon na aktibo rin si Battung sa mga programang pagyamanin at ipaunawa ang pantay na karapatan ng kababaihan sa Pilipinas. —FRJ, GMA News