Kabilang ang paranormal researcher na si Ed Caluag sa mga naging panel member sa segment na "Bawal Jugdmental" ng "Eat Bulaga," kasama ang iba pang faith healer at nakaranas ng kababalaghan.
Ikinuwento ni Ed sa mga dabarkads na naging masasakitan siya noong bata at ilang beses ding nakaranas ng "near death experience."
Kuwento pa niya, marami siyang hindi maipaliwanag na nangyayari sa kaniya at naghanap siya ng kasagutan hanggang sa mapunta siya sa mga faith healer at nag-obserba.
Patuloy pa niya, nagpunta rin siya sa duktor pero tinaningan ang kaniyang buhay. Pagkaraan nito, naghanap na siya ng ibang solusyon sa kaniyang kalagayan at nagpaturo na siya sa faith healer.
Pag-amin ni Ed, hindi madali ang pagkakaroon ng kaniyang kakayahan na makakita ng mga kakaibang nilalang dahil sa napagkakamalan siyang baliw.
Tulad nang nangyari sa kaniya noon nasa kolehiyo siya at pinapausog siya ng jeepney driver. Pero hindi raw niya magawa dahil sa may nakikita siyang nakaupo na sa kaniyang tabi.
"Ipinaglalaban ko na paano ako uusad may nakaupo na po diyan [sa tabi ko]," ayon kay Ed.
Hanggang sa may sumakay na pasahero at umupo sa tabi niya kung saan nakaupo ang sinasabi niyang katabi na hindi pala nakikita ng iba.
Bukod sa pag-iimbestiga sa mga paranormal, sinabi rin ni Ed na nagpapaalis din siya ng mga sumasapi sa katawan ng tao.
Pero bukod pala sa pagiging kilalang paranormal researcher, isang profession teacher si Ed.
Ayon kay Ed, dati siyang elementary at high school teacher at huli siyang nagturo noong 2010.
--FRJ, GMA News