Sa "Tunay Na Buhay," muling binalikan ni Herlene "Hipon Girl" Budol kung paano binago ng programang "Wowowin" ang kaniyang buhay.

"Sobrang blessed ko po noon talaga kasi sa dami po ng nangangarap na kahit makapasok man lang doon sa Wowowin studio, makita man lang si Kuya Willie, isa po ako sa pinalad na maging co-host ni Kuya Wil. Malaking pasasalamat ko na po 'yun, na sobrang, I love you Kuya Wil," sabi ni Herlene.

Kabilang sa unforgettable experiences ni Herlene ang unang beses na sorpresahin siya sa kaniyang kaarawan kung saan pinagsama-sama ni Kuya Wil ang kaniyang pamilya, at nang makasakay siya sa eroplano.

Naging contestant si Herlene sa Willie of Fortune ng Wowowin, kung saan na-interview siya ni Kuya Wil saka pinabalik para subukan siyang maging co-host ng programa.

Bago nito, suki ng beauty contests si Herlene sa iba't ibang barangay. Bagama't laging talo, hindi siya pinanghihinaan ng loob hanggang sa manalo siya bilang Miss Congeniality.

Nagsimulang tawaging "Hipon Girl" si Herlene nang manalo siya bilang Binibining Angono, matapos mapansin ng mga hindi makatanggap sa kaniyang pagkatalo ang kaniyang "pettite" na pangangatawan.

Balikan sa Tunay Na Buhay ang kuwento ni Herlene.

--FRJ, GMA News