Lumipad patungong Argentina si Andrea Torres para sa isang foreign romantic film sa Argentina. Ang aktres na gaganap bilang dancer, matindi ang naging pagsasanay niya ng tango.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing hindi ininda ni Andrea ang 41 oras na biyahe mula Pilipinas papuntang Argentina.
Unang beses na nakarating ni Andrea sa South America para sa shooting ng isang foreign film.
Excited nang i-explore ni Andrea ang Argentina na mayaman sa kultura, at sinabi niyang mababait ang mga Argentinian sa mga dayuhang bumibisita sa kanilang bansa.
"I'm sure ma-e-enjoy ko po ang trabaho ko po with them kasi hindi pa man po ako nakakaalis talagang very warm na sila sa akin at inaasikaso nila akong mabuti," sabi ni Andrea.
Ito na ang pangalawang foreign film ni Andrea. Nagtambal sila ni Mikael Daez para sa Cambodian film na "Fight for Love" noong 2016.
Matindi ang paghahanda ni Andrea para sa role niya na isang dancer para sa romantic film.
Sampung araw ang shooting ni Andrea sa Argentina, samantalang gaganapin sa Palawan ang ikalawang bahagi ng shoot sa susunod na taon kung saan ipakikita ang ganda ng Pilipinas.
Bago nito, bibisitahin muna ni Andrea ang kaniyang pamilya sa Amerika.
"First time ko rin kasing makarating ng US, so susulitin ko na po, mag-LA po ako and magve-Vegas. Nagkataon din po na thanksgiving," anang aktres.--Jamil Santos/FRJ, GMA News