Marami ang humahanga at naiinis kay Ashley Ortega dahil sa mahusay niyang pagganap bilang kontrabidang si "Marriam" sa Kapuso primetime series na "Legal Wives."
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Ashley na natutuwa siya sa natatanggap na feedback mula sa mga manonood.
Inihayag din ng aktres na ang mga idolo niyang sina Gina Alajar, Cherie Gil, Jaclyn Jose, at Irma Adlawan, ang inspirasyon niya sa kaniyang pagganap bilang si Marriam.
"Talagang kitang-kita mo sa mga mata nila 'yung emotions," ayon kay Ashley.
Sinabi din ng dalaga na ayaw niyang magpaapekto sa mga komento na naiinis sa kaniya dahil sa kaniyang role.
Natutuwa ako actually, at least nagwo-work [at] nagiging effective ako as a kontrabida. Ang sobrang interesting niyang basahin," saad niya.
"'Pag wala akong ginagawa, I would read comments tapos I would reply to them. Nagte-thank you ako sa mga praises nila na magaling akong kontrabida, na effective ako," pahayag niya.
Ipinaliwanag din ni Ashley ang pinagmulan ng ugali ni Marriam sa "Legal Wives."
"Siguro nadala lang siguro siya sa galit niya sa buhay. 'Di niya lang ma-handle 'yung rejection na natanggap niya from Ismael [role ni Dennis Trillo]. Eventually, 'di rin siya na-guide nang maayos ng parents niya," ayon sa aktres.
Mapapanood din si Ashley sa upcoming episode ng "Magpakailanman" kasama sina Gabby Eigenmann, Myrtle Zarosa at Rochelle Panganiban.—FRJ, GMA News