Nagpaliwanag si Albert Martinez tungkol sa pinag-uusapang Tiktok video na nakita siya sa background habang sumasayaw ang Kapuso actress na si Faith Da Silva.
"Sa Tiktok, that was, I believe an incidental situation. Nasa waiting area ako noon eh, and I was there," sabi ni Albert sa panayam sa kaniya ni Lhar Santiago sa GMA program na "Unang Hirit."
Ayon kay Albert, nagkataon lang na nakunan siya habang nagti-Tiktok si Faith, na nangyari noong nakaraang buwan.
"Apparently si Faith was doing her 'much-talked' about Tiktok, at napasama ako roon," saad ng biyudong aktor, na hindi maiwasang mai-ugnay kay Faith, na co-star niya sa Kapuso series na "Las Hermanas."
Kaugnay nito, inihayag na rin ni Albert ang kaniyang sikreto kung paano niya pinananatili ang on-screen chemistry nila ni Faith kahit pa malayo ang agwat ng kanilang edad.
"There is a technique that I have been using ever since I've been doing films way back, then to all of the shows I've done sa ibang channel," saad niya.
"If you would notice ang nagawa ko roon, most of my leading ladies, we connect. There is a certain technique where in you immerse yourself to the character. Make yourself believe that you're in love with the person. Because sa screen, 'pag finake mo 'yon, kitang kita sa mata mo that you're lying," paliwanag ng batikang aktor.
Bago nito, nagkomento na rin si Faith tungkol sa mga usapin na nagkakamabutihan umano sila ni Albert.
"Nagulat ako because nung nakita ko yung news na 'yon, nung nabasa ko, ongoing pa yung lock-in taping namin. So nagulat ako. But it's not like I didn't expect it, kasi with our roles, magiging partner ko siya," saad ng young actress.
"Siguro nakita ng mga tao na we're comfortable with each other," patuloy ni Faith.
Sinabi rin ni Faith na napag-usapan nila ni Albert ang naturang isyu pero hindi nila sineryoso.
"Napag-usapan namin pero in passing lang. Hindi siya yung seryosohan talaga. Parang pinagbibiru-biruan lang namin. Tuksu-tuksuhan lang," anang aktres.
--FRJ, GMA News