Naghain din ng kani-kaniyang certificate of candidacy (COC) nitong Biyernes ang mga showbiz personality na si Robin Padilla at dating "That's Entertainment" member na si Joed Serrano.
Kabilang si Robin sa mga pambato ng administrasyon sa senatorial race sa ilalim ng PDP-Laban faction ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Kasama ni Robin sa grupo sina presidential legal counsel Salvador Panelo, dating senador at ngayon ay Information and Technology Secretary Gregorio Honasan, SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica, broadcaster Rey Langit, at Agrarian Reform Secretary John Castriciones.
Nauna nang naghain ng COC para tumakbo ring senador sa tiket ngadministrasyon si dating Public Works Secretary Mark Villar.
Samantala, inihayag naman ni Joed, producer na ngayon, na plano sana niyang tumakbong presidente noong una.
Pero nagbago raw ang isip niya dahil nauna nang naghain ng kandidatura sa pagkapangulo ang dati niyang kasama sa "That's Entertainment" na si Manila Mayor Isko Moreno.
Sinabi ni Joed na nais niyang isulong ang karapatan ng kinabibilangan niyang LGBT community at labanan ang diskriminasyon.
“Nandito po ako para bigyan ng pansin, ng puwang, ng halaga, ng karapatan at isulong ang equality ng mga kauri ko, tama po ang narinig niyo kauri ko ang sandatahang kabaklaan,” sabi ni Joed.--FRJ, GMA News