Naghain ng kaniyang certificate of nomination and acceptance (CONA) si chef Boy Logro para tumakbo sa party-list system sa Eleksyon 2022.
Tatakbo ang kilalang celebrity chef para sa grupong Aangat Kusinerong Pinoy.
Kapag nanalo, magiging kinatawan siya sa Kamara de Representantes.
Inihain ni chef Boy ang CONA nitong Lunes sa Commission on Elections' (Comelec) sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.
Sa naturang lugar din inihahain ng mga kakandidatong pangulo, bise presidente at senador ang kaniyang certificate of candidacy.
Matapos isumite ang kaniyang CONA, sinabi ni chef Boy na nais niyang mag-iwan ng legacy sa mga aspiring chef. Nais din daw niyang magbigay ng libreng edukasyon.
"Ang aking pagtakbo ay isang advocacy, isang legacy na gusto kong iwanan sa ating nangangarap na maging chef din... Yours truly, ako po magbibigay ng libreng pag-aaral sa mga tao," ayon kay chef Boy, na napanood sa GMA's cooking show na "Idol sa Kusina."
Samantala, ang iba pang nagsumite ng CONA sa party-list system nitong Lunes ay ang:
- Ang Koalisyon ng Indigenous People (AKO IP)
- Marvelous Tayo
- Alagaan ang Sambayanang Pilipino (ASAP)
- Gabriela
- Ating Agapay Sentrong Samahan ng mga Obrero (AASENSO) Inc.
- Ako'y Tech Voc
- Alalayang Kuya at Ate sa Pilipinas (AKAP)
- Truck Drivers Phil, Inc
- Ipatupad for Workers
--FRJ, GMA News