Matindi ang mga magiging tagpo sa first episode pa lang ng Season 4 ng "The Clash" sa darating na Sabado ng gabi.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ito ang itiniyak ng hosts na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Rita Daniela at Ken Chan.
Mananatili namang judges sina AiAi Delas Alas, Christian Bautista, at Lani Misalucha.
"The Clash is known for pambibigla, kakabahan ka agad. Of course there will be twists and bagong mechanics," sabi ni Julie.
"For me naman, every episode is intense. Kaya 'yun ang dapat nilang abangan palagi," ani Rayver.
"Para sa akin intense 'yung comments ng judges, 'yung ating The Clash panel. Isa 'yun sa kailangan nilang abangan," sabi ni Rita.
"Bago 'yung labanan, makikita mo na magpapakitang gilas muna 'yung judge, 'yung hosts, 'yung previous winners, previous grand champions, dahil may pasabog na opening si direk Louie Ignacio," sabi ni Ken.
Nakita at narinig na rin nina AiAi, Christian at Lani ang Top 30 clashers nitong Season 4.
"Lahat sila dreamers, lahat sila merong pinatutunayan, lahat sila merong pangarap. At ginagawa nila ang lahat para maatim 'yon," sabi ni Christian.--Jamil Santos/FRJ, GMA News