Labis ang pasasalamat nina Beauty Gonzalez at Kelvin Miranda sa mga manonood matapos umabot ng mahigit isang milyong views ang unang episode ng kanilang "Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette" sa YouTube.
"When they start calling my name 'Bridgette,' nakakakilig for me. It's more than an award for me. It means that you are doing a good job," sabi ni Beauty sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.
"Ayun po 'yung importante, 'yung magustuhan ng mga manonood 'yung hinahain namin, na konsepto o kuwento sa kanilang pang-araw-araw," sabi naman ni Kelvin.
"Kasi 'yun ang makakasama nila sa tahanan kapag wala 'yung kanilang mga mahal sa buhay, may mga ginagawa sila. Gusto naming maramdaman din nila na kasama nila kami sa hapon," dagdag ni Kelvin.
Pagmamahal sa arts ang naging bonding nina Beauty at Kelvin para sa kanilang series.
Madaling nag-jive ang ugali nina Beauty, isang art collector, at Kelvin, na hilig ang pagpipinta at mixed media artworks.
"Si Beauty kasi kolektor siya ng mga lumang gamit, kolektor siya, so nakakatuwa... Nakakamangha, na grabe ang pagmamahal niya sa arts. Bata pa lang ako 'yun na 'yung hilig ko eh, artworks, music tapos nakita ko naa-appreciate niya. So 'yun na agad 'yung nag-unlock ng inhibitions ko para kausapin siya, para maging close kami," sabi ni Kelvin.
Samantala, mas sinariwa pa ni Beauty Gonzalez ang oras niya sa pamilya matapos gumaling ng kaniyang asawang si Norman Crisologo mula sa COVID-19.
"Isa 'yun sa mga nakakalokang nangyari sa taon ko ngayon. When he survived COVID, I went to Negros, Dumaguete, my hometown, we stayed there for a month. Sabi ko 'We have to do things we haven't done before kasi ang iksi ng panahon,'" ani Beauty.
"We got certified as divers. I wanna invest more in experience," dagdag ng Kapuso actress.
Bukod dito, bumiyahe rin ang pamilya nina Beauty sa Europe para sa isang month-long vacation. Dalawang linggong nagbakasyon sa Paris sina Beauty at sa Amsterdam naman ngayon.
Sinabi Beauty na art appreciation at mga sikat na museum ang sadya niya sa kaniyang month-long vacation.--Jamil Santos/FRJ, GMA News