Inilahad ni Archie Alemania ang hindi niya malilimutang karanasan nang una siyang ipakilala ni Gee Canlas sa mga magulang nito, kung saan binasahan agad siya ng nanay nito ng Bibliya.
Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ni Archie na pagkatapos siyang ipakilala ni Gee sa ama at ina nito, agad na siyang tinanong ng ina nito.
"'Iho, do you read the Bible?'" tanong ng ina ni Gee kay Archie.
"'Uhm, hindi po gaano,'" tugon naman ni Archie.
Dahil dito, inutusan ng nanay ni Gee ang kanilang kasambahay na kunin ang Bibliya at iabot ito kay Archie.
"'Archie please read this chapter oh.' Tinatadyakan na niya (Gee) 'yung mommy niya. Kasi pastor 'yung mommy at daddy niya eh," paliwanag ni Archie.
"Ako, nakakagulat sa akin, first time na nagawa sa akin 'yon. Parang, kapatid ko ba si Taning?'" biro ng Kapuso actor.
Maging si Gee ay tila nabigla sa paraan ng pagpapakilala ng kaniyang mga magulang kay Archie.
"After nu'n tinanong ko 'yung mom ko, sabi ko, 'Ma bakit naman ganu'n, bakit 'yun ang [bungad] mo?'" sabi ni Gee.
"'Doon ako ni-lead ni God,'" tugon naman ng kaniyang ina.
Ikinasal sina Gee at Archie Oktubre noong 2018.
Meron silang isang anak, si Caleb Archer Alemania, na ipinanganak noong Abril 2019. --FRJ, GMA News