May kurot sa puso ang mensahe ng holiday song ni Michael V. na "Another Christmas Eve," lalo na ngayong patuloy ang pagsubok na dala ng COVID-19 pandemic.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Bitoy na inspirasyon niya si Jose Mari Chan nang gawin niya ang melody ng kaniyang kanta.
"Actually malalim ang meaning niya and it speaks for everyone na dinaan 'tong pandemic tsaka 'yung mga naapektuhan nitong COVID-19, literally 'yung mga buhay nila na na-touch dahil sa mga nangyayari," ayon kay Bitoy.
Noong nakaraang taon, nagpositibo si Bitoy sa COVID-19. Aniya, alay niya rin ang awitin sa mga frontliner na itinataya ang buhay para alagaan ang mga pasyente.
Nais daw niyang maging daan ang kaniyang kanta para alalahanin pa rin ang mga positibong nangyayari sa buhay at magpasalamat sa Panginoon.
"It's best to cap it off by thinking and feeling na masuwerte pa rin tayo lalo itong mga nakakarinig ng kantang 'to kasi buhay tayo," saad niya.
"Sana ma-appreciate natin na kahit anong pinagdaanan natin binigyan pa rin tayo ng Panginoon ng tsansang mabuhay at mag-celebrate ng Pasko," dagdag ni Bitoy. —FRJ, GMA News