Kahit na unang taping day pa lang, kita na agad ang nabuong magandang samahan nina Jennylyn Mercado at Xian Lim sa kanilang mga tawanan sa "Love. Die. Repeat."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagbibiruan na sina Jen at Xian kahit unang beses pa lang silang magkakatrabaho.

"Happy ako dahil masayang kasama si Xian, magaling na aktor," komento ni Jen tungkol sa kaniyang leading man.

"Since this is our first day, first time naming magkaeksena, first time naming mag-face to face and stuff so nakakatuwa lang. It's a different feeling with Jennylyn, sina direk and everyone else," ayon naman kay Xian.

Nakakuha ang GMA News ng clip ng isa sa mga eksena nina Jen at Xian na gumaganap bilang mag-asawang sina Angela at Bernard.

Makikita rin sa video na wala na silang ilangan sa kanilang pagtatrabaho.

"'Yun 'yung isa sa mga eksena na bago pa lang kaming kasal ni Bernard," ayon kay Jen.

"Hindi nawawala 'yung pag-uumpaw ng pag-ibig nina Bernard at Angela. Nagkataon lang talaga na may nangyari in between katulad sa mga, 'yun nga, magkakaroon talaga ng problema ang mag-asawa," sabi ni Xian.

Hindi naman nawala ang kuwelang Tiktok videos sa set kasama ang co-star nilang si "Cupcake" Gardo Versoza.

Excited na raw sina Jen at Xian sa mga marami pang mangyayari sa kanilang taping hanggang sa ipalabas na ang kanilang series.

"I'm really looking forward sa mga eksena, kasi itong ginagawa naming istorya, aside from the love story itself, iba't ibang genre 'yung napasok dito," sabi ni Xian.

"First time makakanood ng mga tao ng ganitong klaseng istorya. Excited ako sa magiging reaction nila," sabi ni Jen.--Jamil Santos/FRJ, GMA News