Inihayag ni Rayver Cruz na halos tatlong buwan siyang nagpahinga matapos tamaan ng COVID-19 at maospital.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Rayver na iyon ang dahilan kaya hindi siya napanood sa "All Out Sundays."
"Nagkasakit kasi ako. Alam mo naman 'yung virus na kung tawagin ay si COVID-19, nakuha ko rin," anang aktor.
Una raw nakaramdam si Rayver na pananakit sa lower back na inakala niyang dahil lang sa labis na pagtatrabaho at workout.
"Nung time na ‘yon, nakakalungkot, na-down din ako. At first, akala ko napagod lang ako that day sa mga ginawa, sa pag-workout, sa trabaho. Akala ko sunod-sunod lang 'yung pagod," saad niya.
"'Yung likod ko unang sumakit, 'yung lower back ko hanggang pataas then sunod-sunod na. Naramdaman ko na 'yung symptoms," patuloy niya.
Dahil na rin sa takot nang ipaliwanag sa kaniya ang virus, siya na ang nagtungo sa ospital dahil wala siyang ibang kasama sa bahay.
"Medyo natakot din ako and mahirap kasi ako lang mag-isa. Tricky kasi ang COVID-19. 'Pag biglang nag-drop yung oxygen mo or kung ano man mangyari, walang magsusugod sa 'kin agad-agad," paliwanag niya.
Ibinahagi ni Rayver ang karanasan para mahikayat na rin ang iba na magpabakuna.
"Important din na lahat tayo, sana makapagpabakuna para kahit papaano, may proteksyon ka," payo niya.—FRJ, GMA News