Ikinagulat ng ilang celebrity ang biglaang pagpanaw ng 46-anyos na komedyanteng si Mahal nitong Martes.
Sa Facebook post, sinabi ni Kiray Celis na ayaw niyang isipin na wala na si Mahal na nakatrabaho niya sa romantic-comedy series na "Owe My Love."
"Sa liit na panahon na nakasama kita, ganun naman kalaki ang naibigay mong saya sa puso ko. Ayoko isipin.. ayoko tanggapin.. ayokong maniwala ate noeme mahal na mahal kita. Sana hindi totoo ito. Pls.. [broken heart emoji]," saad niya.
Ang leading man sa naturang series na si Benjamin Alves, sinabing hahanap-hanapin niya ang tawa ni Mahal na tinawag niyang Ate.
"Ate Mahal… I will miss your laugh and your aura sa set: wala kang moment, kahit late na or pagod na tayo, na di ka nakasmile," sabi ng aktor sa FB post na may larawan na kasama niya si Mahal.
Patuloy niya, "It was an honor to share a scene with you. We love you forever Ate Mahal! Dedicating a prayer for her soul and for everyone she has left behind. Pag pray po natin sila."
Sa isang ulat naman sa PEP.ph, sinabing hindi rin makapaniwala si AiAi delas Alas nang mabalitaan na wala na si Mahal.
Nakasama rin si AiAi sa "Owe My Love," at si Mahal daw ang nagbibigay-buhay sa kanila sa set.
“Hindi ako makapaniwala na wala na siya. Gusto kong umiyak pero hindi mag-sink sa akin na namatay na si Mahal,” sabi ni AiAi sa report.
May post din sa Facebook si Ken Chan para magpasalamat at magpaalam kay Mahal.
"Maraming salamat sa pagpapasaya sa amin Ate Mahal," sabi ni Ken.
Nagpaalam din ang aktor na si Jerald Napoles kay Mahal na tinawag niyang isa sa mga iconic celebrity.
"REST IN PEACE sa isa sa mga iconic celebrity na nagpatawa sa atin mula bata pa tayo. Paalam Noeme “MAHAL” Tesorero," sabi niya.
Ang stepmother ni Mahal na si Josefa Tesorero ang nagkumpirma sa malungkot na balita ng pagpanaw ni Mahal nitong Martes.
Pero tumanggi na siya na sabihin ang detalye sa pagkamatay ni Mahal.
--FRJ, GMA News