Sa kabila ng sobrang pag-iingat, nagpositibo sa COVID-19 ang Kapuso actress na si Kim Domingo.

Sa Instagram, nag-post si Kim ng larawan niya na lumuluha at ikinuwento niya sa caption ang mga nangyari.

"Nagpositibo ako sa COVID-19. First of all, hindi ko inexpect na tatamaan pa ako. Pinagtatawanan na nga ako sa sobrang pag disinfect at pag-iingat na ginagawa ko [pati pagkain na pinabili sa labas]," ayon kay Kim.

Kompleto naman daw siya sa vitamins at fully vaccinated na.

Hindi rin daw siya umaalis ng bahay at puro work from home lang. Pero nang mabakunahan na, nagpasya na siyang magtrabaho para sa upcoming series na "Love, Die Repeat."

"Naka-set na sana kami nung Aug 29 para sa quarantine ng show at biglang sa hindi inaasahan, nangyari ito," ayon pa kay Kim.

 

 

"Grabe ang iyak ko nung nalaman ko na hindi na ako makakasama sa show. Napaka wrong timing," patuloy niya.

Sa kabila ng kalungkutan, naniniwala si Kim na may ibang plano sa kaniya ang Diyos.

Wala naman siyang maisip kung papaano siya nahawahan ng virus.

"Saan ko nga ba nakuha? Hindi ko din alam, pero isang lang ang malinaw sa 'kin. Kahit anong ingat mo, pwedeng pwede ka tamaan ng COVID," saad niya.

Hinikayat din ng Kapuso actress ang publiko na magpabakuna.

"Makakatulong ang bakuna para mabawasan ang severity ng Covid. Buti na lang at fully vaccinated na ako at ang pamilya ko," patuloy niya.

Naka-home quarantine si Kim at hihintayin niyang magnegatibo na siya sa virus.

"Tatapusin ko po ang aking home quarantine hanggang sa ako ay mag-negative na sa virus. Salamat din sa mga nagpa abot ng kanilang message at pag-aalala. Love you all! Stay safe po sa lahat!" sabi pa ng aktres.— FRJ, GMA News