Inihayag ni Baeby Baste ang kaniyang lungkot nang matigil siya sa paglabas sa "Eat Bulaga" mula nang ipatupad ang community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic. Pero sa kabila nito, nagkaroon naman siya ng bonding time sa pamilya, at tumulong pa sa mga frontliner.
"Sobrang, sobrang sad po ako na hindi na ako maka-work sa Eat Bulaga, at miss na miss ko na po ang Eat Bulaga at mag-work doon sa kanila," sabi ni Baste sa "Stories of Hope."
Ang mga na-miss niyang oras sa Eat Bulaga, ginugol naman niya sa kaniyang pamilya.
"Sobrang happy po ako naka-get po ako ng break. Nagba-bonding po kami rito. Kailangan din nating mag-spend ng time with our lola and lolo kasi po affected din sila sa COVID," ani Baste.
Pinagkakaabalahan ngayon ni Baste ang boxing kasama ang kaniyang ina, at ang pag-treadmill.
"Kami ni mama nagbo-boxing para iwas-sakit, payat. Sa boxing po ang natutunan ko is self-discipline and self-defense," anang child actor.
Bagong hobbies naman ni Baste ang pagluluto, at ipinagmalaki ang kaniyang recipe na Tuna Pasta ala Baste. Gusto raw ni Baste na maging chef balang araw.
Bago pa man magkapandemya, nakaugalian na ni Baste ang magbigay sa mga nangangailangan, partikular sa isang bahay ampunan sa General Santos City.
Matatandaang nagpaabot din si Baste ng tulong sa mga kapulisan, dahil pulis din ang kaniyang ama na nakadestino sa Camp Crame.
"Tuloy-tuloy lang po kami ng give kasi friends ko po sila. Hindi na po ako makakasama kasi alam niyo na, may pandemic at bawal lumabas ng mga bata. Sobrang happy po ako na mag-give ng love to other people kasi maa-appreciate nila 'yan na 'Bash thank you!' Need po nila 'yan, na [maka-receive] ng love sa ating lahat," sabi niya.
“Don’t lose hope, don’t lose faith. Always pray to God and all will be fine," mensahe ni Baste para sa lahat.--FRJ, GMA News