Inilabas na ng Marvel Studios ang inaabangang trailer ng “Spider-Man: No Way Home” movie.
Sa video na may habang tatlong minuto, ipinakita ang pagiging masalimuot ng buhay ni Peter Parker (Tom Holland) matapos ibunyag ni Mysterio ang tunay niyang katauhan.
Hihingi siya ng tulong sa kapwa Avenger na si Stephen Strange a.k.a. Dr. Strange (Benedict Cumberbatch) para mabura ang ginawang pagbisto ni Mysterio sa kaniya.
Pero naging komplikado ang kaniyang plano dahil nakapasok sila sa “multiverse,” at muling makakaharap ni Spider-Man si Doctor Octopus (Alfred Molina).
Si Doctor Octopus ang naging kalaban ni Peter Parker sa “Spider-Man 2” noong 2004.
Sa naturang pelikula, si Tobey Maguire ang gumanap na Spider-Man.
Kung sinu-sino pa ang posibleng magbalik sa Spider-Man: No Way Home,” malalaman 'yan sa showing ng pelikula sa December 17. —FRJ, GMA News