Kung papipiliin si Hidilyn Diaz, ano kaya ang kaniyang uunahin: Ang sumali sa 2024 Summer Olympics na gaganapin sa Paris at muling sungkitin ang gintong medalya, o ang magpakasal at magkaanak na?

Sa programang "Tunay na Buhay," sinabi ng Tokyo Olympics gold medalist na uunahin muna niya ang 2024 Olympics.

"Mas madali kasi ang wedding, pero ang mas pipiliin ko, Paris 2024," sabi ni Hidilyn.

Ayon kay Hidilyn, uunahin din niya na makasungkit muli ng gintong medalya sa naturang paligsahan dahil makakapaghintay pa rin naman daw ang pagkakaroon niya ng anak.

"Nakausap ko na po 'yung kaibigan na family friend na OB Gyne, puwede pa naman daw po akong mabuntis after Paris 2024. So okay lang po na another gold. Wow pressure ako!" natatawang sabi ng Pinay weightlifter.

Nakuha ni Hidilyn ang gintong medalya sa Tokyo Olympics matapos manalo sa women's 55-kg weightlifting event. Ito ang unang gold medal ng Pilipinas sa Olympics.

"Walang gender ang sports. Try niyo lang, tapos kung nandoon na, enjoyin niyo and magkaroon ng pangarap. Surround yourself with the people na will push you para ma-achieve 'yung dream. Believe in yourself, believe in God, na ito 'yung binigay sa iyong talent," ani Hidilyn. --FRJ, GMA News