Kasalukuyang dumadaan sa mga adjustment ang bagong parents na sina Joyce Pring at Juancho Triviño sa pagsilang ng kanilang baby na si Alonso Eliam o Liam.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nagpasalamat sina Juancho at Joyce na healthy ang kanilang baby boy.

Magdadalawang linggo na si Baby Liam.

Sinabi ni Juancho sa panayam sa kaniya ng GMA News na mixed emotions siya sa kaniyang nararamdaman.

"Crucial days nga ito ng nararamdaman namin. A little bit of excited ako, a little bit na natakot din ako. Sa ngayon nasa stage pa rin ako ng pina-process ko 'yung mga bagay and every night wala talagang tulugan. Actually ngayon nga nakabantay pa rin ako sa kaniya eh," sabi ni Juancho.

Makikita sa Instagram ni Joyce na daliri lang o ang likod ni Liam ang ipinakita dahil pinili nilang hindi muna ipakita ang mukha ng kanilang baby boy sa social media.

Pero gusto rin nilang ibahagi si Baby Liam sa netizens "when the time is right."

"Mixed pero parang medyo dominant 'yung kay Joyce sa ngayon. Napag-usapan din namin kasi 'yun na iho-hold muna 'yung privacy namin, lalo noong nanganak siya and 'yung hitsura niya. Para sa mental health din namin, na inu-unti unti rin namin 'yung mga bagay-bagay. We're enjoying each moment and sobrang laking blessing din ni Liam sa buhay namin," sabi ni Juancho.--Jamil Santos/FRJ, GMA News