Sa kabila ng dwarfism o kakulangan sa tangkad, proud pa rin ang isang mag-ina sa Sultan Kudarat sa kanilang kondisyon, at hindi ito naging hadlang para maghatid sila ng saya sa Tiktok.
Sa digital program na "On Record," sinabing apat na talampakan lamang ang average height ng mga "little people," kabilang na ang mag-inang Mariezl "Barbz" at Mary Bacala.
Pero hindi naman sila magpapahuli pagdating sa trending dahil umabot na sa isang milyong views ang kanilang Tiktok videos.
"Parang normal din sa amin, masaya kami tapos feel na feel namin 'yung sayaw para mapasaya rin ang mga tao," sabi ni Barbz, na namana ang dwarfism sa kaniyang ina na si mommy Liezl.
Meron din silang mahigit 11,000 followers sa kanilang Tiktok account.
"Proud po kami kahit ganito lang po ako. Happy din ako sa kaniya (Mary) kahit ganito lang siya. Marami 'yung mga tao na natuwa sa kaniya," sabi ni Barbz.
Kuwento ni Barbz, naging tampulan siya ng tukso noong bata pa, at naging hamon din ang paghahanap niya ng trabaho.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, nakatagpo pa rin si Barbz ng kaniyang pag-ibig sa isang lalaki na nakilala niya sa perya.
Ayon kay Barbz, nagkaroon din siya ng kumpiyansa sa sarili dahil sa Tiktok na marami siyang napapasaya at natutuwa sa kanila.
Sabi ni mommy Liezl, "Huwag kayong manghina ang loob pareho sa amin. Kasi 'yan ang ibinigay ng Diyos sa atin. Basta malulusog kami."
Mensahe naman ni Barbz sa anak, "Mag-aral siyang mabuti tapos kung ano ang pangarap niya susuportahan ko."
Pahayag naman sa kanila ng Kapuso star na may dwarfism din na si Jo Berry, "I just want to remind you that you are unique, capable and beautiful."
"Don't be affair to go after your dreams. You are meant to achieved big things and don't let other people tells you otherwise," patuloy niya. --FRJ, GMA News