Matapos kakiligan ang sweet moment ng kanilang pagsasayaw na nahuli sa camera, sinabi ni Joaquin Domagoso na bukas siya sa kaniyang paghanga sa ka-love team na si Cassy Legaspi.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood ang video ng isa sa cast ng "First Yaya" na si Cai Cortez kung saan nakunan ang "unguarded moment " nina Joaquin at Cassy na nagsasayaw na tila nasa isang prom.

Tila nahiya pa ang teen stars nang makunan sila.

"Nagsasayaw kami, tapos si ate Cai, nagvi-video siya, story niya tapos biglang nakita kami, nahuli kami sa camera. Nakilig ako kasi huli talaga eh," sabi ni Joaquin.

Bukas si Joaquin sa paghanga sa kaniyang partner.

"She's this bright-glowing energy na sobrang funny. Super caring, loving, lahat. And not just her attitude eh it's how what she brings to her acting din, sobrang serious siya," anang aktor.

Nakatanggap ng papuri si Joaquin sa kaniyang pagganap bilang si Jonas sa "First Yaya."

"I feel very thankful sa support na binibigay sa akin ng fans ko. I'm telling you right now na hindi 'yun mag-i-stop sa First Yaya, tutuloy pa rin 'yun sa iba ko pang shows, hopefully with Cassy," sabi ni Joaquin. – Jamil Santos/RC, GMA News