Ibinahagi ni DJ Nicole Hyala sa social media ang matinding pagsubok na pinagdaanan ng kaniyang pamilya nang ma-comatose dahil sa pamamaga ng utak ang kaniyang anak na si Princess.
Sa Instagram, nag-post si Nicole ng larawan ni Princess habang nakaratay sa ospital na kuha noong Abril, at ang masaya nang larawan ng anak na kuha nitong Mayo matapos na gumaling at itinuturing nilang “milagro."
“The Lord has shown His glory and might. He has given us a miracle,” saad ng DJ.
“I took a break from social media because I needed to take care of my Princess, who got sick with meningoencephalitis, a rare disease that causes inflammation of the brain,” patuloy niya.
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang meningoencephalitis ay kondisyon na ang meninges at ang utak ay nagkaroon ng impeksiyon.
Kabilang sa sintomas nito ang lagnat, sakit ng ulo, hirap sa pag-iisip, seizure, at pagkawala ng malay.
Sa YouTube video, emosyon na inihayag nina Nicole at mister niyang si Renly Tiñala, ang kanilang pinagdaanan na naging “testimony of God’s love and miracle for us.”
Ayon sa mag-asawa, Abril 16 nang magkaroon ng lagnat si Princess at napansin nila na madalas itong matulog na hindi normal na ginagawa ng anak.
Kinabukasan, dinala nila si Princess sa ospital at na-confined. Doon na rin nila nalaman na mayroong meningoencephalitis ang anak matapos ang CT Scan.
Inilagay umano sa ICU si Princess at kinalaunan ay inilipat na ng ibang ospital kung saan nanatili siya ng tatlong linggo.
“Napakarami naming tanong ‘bakit si Princess?’ and it was really painful to see her there. Ang pinaka masaklap wala namang way para magbantay sa loob ng ICU,” ani Nicole.
“The very first night that she was transferred, we left her. Naiwan namin siya,” patuloy niya.
Maaari lamang daw nilang makausap si Princess sa pamamagitan ng video call, pero hindi rin nila magawa dahil hindi gumigising ang bata.
Sa ospital nagdiwang ng ika-8 kaarawan si Princess noong Mayo. Ilang araw matapos nito, ipinayong isailalim siya sa MRI.
Dahil hindi naman sila makapasok sa kinalalagayan ng anak, wala raw silang magawa kung hindi magdasal at ipaubaya na sa Diyos ang lahat.
Hanggang sa isang araw, matapos nilang ipaubaya sa Diyos ang lahat, nakatanggap daw ang mag-asawa ng tawag na may hatid na magandang balita.
“Si Princess, hinawakan yung kamay ng doctor nang mahigpit tapos nakatingin si Princess, as if she was saying that she’s fine,” ayon kay Nicole.
“Sabi namin ‘is it milagro?’ Do’n namin na-realize na talagang prayers are very powerful,” patuloy niya.
Hindi nagtagal, bumuti na ang kalagayan ni Princess at inilipat na siya sa regular room at maaari nang magkaroon ng isang bantay.
“Grabe yung kapit namin sa Diyos. Hindi namin siguro maitatawid yung mga minuto, mga araw kung hindi kami nagdadasal,” pahayag ni Nicole.
“Ang hirap araw-araw. Napakasakit talaga sobra. Ito yung closest to God that we have ever been,” dagdag niya. “Every opportunity we get, nagdadasal kami.”
Sumasailalim ngayon sa therapy si Princess, na nagpasalamat din sa mga tumulong at nagdasal para sa kaniyang paggaling. — FRJ, GMA News