Ikinuwento ni Winwyn Marquez ang isang hindi niya malilimutang karanasan habang kumakain sa isang restaurant nang lapitan siya ng isang waitress na inis sa karakter niyang si Trixie sa "Owe My Love."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagkakaroon na ng separation anxiety sina Lovi Poe, Benjamin Alves at Winwyn sa pagtatapos ng Kapuso rom-com series na "Owe My Love."

Ayon sa cast, ibang klase ang kanilang naging bonding na parang isang pamilya, lalo na noong magkakasama sila sa dalawang buwan na lock-in taping.

Bukod dito, mami-miss din nila ang kanilang interaction sa viewers na gabi-gabing tumututok sa kanilang serye.

Kuwento ni Lovi, may nagta-tag sa kaniyang netizen sa Instagram na pinatay nito ang TV nang mag-iba na ang kasama ng kaniyang karakter na si Sensen at hindi na si Doc Migs, karakter ni Benjamin.

Kuwento naman ni Benjamin, "Nakaka-miss. Kapag lumalabas ako a few times I need to go out, ang tawag po sa akin Doc Migs, so mami-miss ko po 'yon. Nakakatuwa na nakabuo kamisabi naman ni Benjamin ng isang teleserye within the whole span of the pandemic, nailatag namin siya, na-air namin siya, natapos siya."

Inilahad naman ni Winwyn ang kaniyang unforgettable experience habang kumakain sa isang restaurant.

Nilapitan siya ng fan na gigil sa kaniyang karakter na si Trixie.

"Biglang lumapit, nagpapa-picture 'yung mga staff, sabi ng isang waitress, 'Pasampal naman po! Okay lang?!' sabing gano'n! Ahm, hindi ko alam gagawin ko," kuwento ni Winwyn.

Bukod sa kilig at good vibes, layon din ng Owe My Love na turuan ang viewers tungkol sa financial literacy.

"It's nice rin na may natutunan, at least naging tipid, alam na namin ang gagawin namin," ayon kay Winwyn.

"As Sensen ang dami ko talagang natutunan. Si Sensen maraming tinuro kay Lovi," sabi naman ni Lovi.

"Kung ano ang pinagdaanan ni Sensen from hirap to prosperity, na may matutunan sila roon o maka-relate sila and give them hope and inspire them na there is a better tomorrow," sabi ni Benjamin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News