Sa kaniyang paglipat sa Los Angeles, California para simulan ang bago niyang trabaho, nilinaw ni Ruby Rodriguez na hindi naman siya tuluyang iiwan ang showbiz.
Sa panayam sa kaniya sa Chika Minute Exclusives ni Lhar Santiago, inilahad ni Ruby na lumipad siya patungong Amerika nitong Mayo para suportahan ang pagpapagamot ng anak niyang si AJ, na may rare autoimmune disease.
"Ayusin ko 'yung medical muna ng anak ko. Siyempre family first. Hindi naman puwedeng umasa ka sa mga kapatid mo. Hello, nakakahiya 'di ba?" anang komedyana.
Dahil dito, tila bagong simula ang kahaharapin ng pamilya ni Ruby sa kanilang pamamalagi sa abroad.
"Talagang subukan natin 'yung mag-uumpisa tayo, normal tayo. Kung mahirap, mahirap. Kung laba, laba. Luto, linis. Siksikan kayo kung 'yun lang ang kaya niyo."
Paglalahad pa ni Ruby: "We're doing this sacrifice for my son. We have to treat his medical ailment more than his SPED."
Dati nang inihayag ni Ruby na may dyslexia ang kaniyang anak na si AJ.
Natanong si Ruby kung may plano siyang tuluyan nang mag-migrate.
"Kay AJ, gagawin lang muna namin ang dapat gawin, and then after magawa 'yon then we'll see what will happen. I don't want to say everything is final. Hindi puwede kasi marami pa po akong obligasyon diyan sa Pilipinas," saad ni Ruby.
Inilahad ng comedianne-host na may bago na siyang management sa ilalim ng Viva Artist Agency.
"It's like going back to my roots, kasi it started with Viva. Ang dami naming movies with Viva... It's like going back to where you started," sabi niya.
Ayon kay Ruby, "break" lamang muna ang kaniyang pagliban sa showbiz.
"Sa lahat po ng mga sumusubaybay sa GMA, mga Kapuso diyan, sa mga natutuwa pa sa akin... Hindi pa po ako nagku-quit ng showbiz. So this is just like a pause, parang rest period. And then let's go back with a vengeance, under Viva," patuloy ng aktres.--FRJ, GMA News