Inilahad ng Kapuso star na si Myrtle Sarrosa na nagkaroon siya ng chronic disease sa intestine o bituka. Ang umano'y dahilan, ang labis niyang hilig sa kape at pagkain ng karne.
Sa programang "Mars Pa More," kinumusta ng mga host na sina Iya Villania at Camille Prats si Myrtle, na mapapanood sa upcoming series na "Nagbabagang Luha."
"Nag-start ang year ko medyo challenging siya. Kasi nagkasakit ako," sabi ni Myrtle.
"Nagkaroon ako ng chronic disease sa intestine ko. Wherein nahirapan na yung body ko na mag-digest ng food," patuloy niya.
Hinihinala ni Myrtle na ang kaniyang sakit ay dulot ng kaniyang bad eating habits.
Nang tanungin kung ano ang tinutukoy niyang bad eating habits, paliwanag ni Myrtle, "Before I would wakeup tapos the first thing that I would do is to grab a cup of coffee 'tapos 'yun lang 'yung iinumin ko."
"So dahil pala do'n, tumataas 'yung acid sa katawan ko and, aside from that, ang hilig-hilig ko pa before sa karne, na araw-araw lagi akong pork and meat," patuloy niya.
Ngayon, binago na raw ni Myrtle ang kaniyang mga kinakain na mas marami ang mga prutas at gulay.
"Ngayon lahat ng kinakain ko na is fruits, vegetables. Nag-cut na rin ako ng meat," sabi niya. --FRJ, GMA News