Inihayag ni Royce Cabrera na nakaramdam siya noon ng sama ng loob matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
Sa "Tunay Na Buhay," sinabing tanging ang kaniyang lolo at lola lang ang kasama ni Royce sa paglaki matapos ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang.
"Habang lumalaki ako medyo hindi sila nagkakaunawaan, tapos naghiwalay sila tapos 'yung dad ko nadestino rin sa iba't ibang lugar. So naiwan ako dito sa bahay," sabi ni Royce.
Inamin ni Royce na nagkaroon siya ng sama ng loob sa kaniyang mga magulang dahil sa nangyari, pero naunawaan niya rin ito sa kaniyang paglaki.
"Opo, nagkaroon talaga. Kasi bata pa lang ako nu'n eh, parang isang iglap wala na akong katabing magulang. Pero noong lumalaki ako unti-unti kong naintindihan kung bakit nangyari 'yung ganu'ng bagay."
Hindi man naging perpekto ang kaniyang pamilya, nagsumikap si Royce na abutin ang kaniyang mga pangarap at nakapagtapos ng Construction Engineering sa MAPUA University.
Gayunman, pumasok na siya noon sa showbiz at nagtuloy-tuloy na sa industriya.
"Happy naman ako. Kasi nakikita ko namang happy siya eh, 'yun ang gusto talaga niya eh, na pumasok sa showbiz," sabi ni Sucell Jimena, nanay ni Royce.
Alamin sa Tunay Na Buhay kung bakit mula John Rocell, nakilala na siya bilang si Royce. —LBG, GMA News