Binalikan ng dating "Unang Hirit" host na si Hans Montenegro ang pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya matapos magpositibo sa COVID-19 ang kaniyang misis noong nakaraang taon.
"On March 16 last year, 'yung first day ng talagang lockdown, tiningnan ako ni misis, sinabi niya sa akin 'Nilalagnat ako, kailangan tayong pumunta ng hospital.' Nagka-COVID 'yung misis ko," paglalahad ni Hans sa "Just In" na si Paolo Contis ang host.
Bago mahawaan ng COVID-19, may iniinda ring asthma ang misis ni Hans na si Marilen Faustino.
Kakaiba raw ang kanilang karanasan dahil ang misis niya ang isa sa mga pinakamaagang nahawaan ng naturang virus.
"Surreal pare, kasi dinala ko [sa] ospital, hindi ko nahatid, para akong taxi na 'O bumaba ka na.' Ang una kong inisip is 'Kung magkahawaan tayo, sinong mag-aalaga sa mga bata?'"
Pumunta sina Hans at ang kaniyang pamilya sa Subic para doon mag-quarantine.
Sa kabutihang palad, nagkataon na may bakanteng condominium unit ang kaniyang ina, na nasa Spain, para makapag-isolate si Marilen.
"Super hirap kasi sinundo ko from the hospital, dinala ko roon sa condo. As in mag-isa siya roon hinahatiran lang namin ng pagkain. Tapos 'yung iniiwan 'yung pagkain sa labas ng pintuan tapos kakatok na lang," sabi ni Hans.
Pagsasalaysay ni Hans, "Si misis, nagpi-Facetime kami gabi-gabi, umiiyak siya, hindi siya makahinga. Hindi ko naman puwedeng puntahan, takot na takot siya. Minsan na lang tatawag sa akin eh, 'I can't breathe, I can't breathe.' Kausapin mo muna ako, ayokong matulog. Dalawa kaming takot."
"Mga 21 days siyang may COVID. It was a bad case," paglalarawan ni Hans, na sinabing mahigit dalawang buwan bago tuluyang gumaling ang kaniyang misis.
Naging bahagi si Hans ng Unang Hirit mula 2000 hanggang 2003.--FRJ, GMA News