Nasungkit ng Kapuso at pambato ng Pilipinas na si Kelley Day ang first runner-up award sa Miss Eco International pageant na ginanap ang coronation night sa Egypt nitong Lunes (PHL time).
"Congratulations for our winners of Miss Eco International our new queen is Gizzelle Mandy Uys and first runner up Kelly Day From Philippines second runner up is Alexandria Kelly from USA. Congratulations all
#missecointernational2021
#baronresortsgarmelsheikh
#baronhotelsandresortsegypt
#ecospire," nakasaad sa post ng Miss Eco International sa Facebook.
Ang pambato ng South Africa na si Gizzelle Mandy Uys ang itinanghal na Miss Eco International.
Samantalang second runner-up naman si Alexandria Kelly ng Amerika.
Una rito, nagwagi si Kelley Day ng Best National Costume sa National Costume Competition.
Itinanghal na Miss Eco Philippines 2019 ang Fil-British na si Kelley sa ginanap na Miss World Philippines 2019 pageant.
Iniurong ang Miss Eco International noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Bago ganapin ang Miss World Philippines 2019, napanood muna si Kelly sa GMA drama series na “Dahil sa Pag-Ibig.”
Sa isang panayam noon, inihayag ni Kelly na mayroon siyang alopecia, isang auto-immune disease na dahilan ng pagkalugas ng buhok. —FRJ, GMA News