Magbabagong-bihis simula sa Pebrero 22 ang GMA News TV bilang GTV, na hindi lang mga pinakamaiinit na balita at impormasyon ang ihahatid kung hindi maging mga bagong palabas na kaaliwan at mamahalin.
Taglay pa rin ang pangakong Serbisyong Totoo, maghahatid pa rin ng mga makabuluhang balita at impormasyon ang GTV mula sa award-winning teams ng GMA News, GMA Regional TV, at Super Radyo DZBB.
Mapapanood pa rin ang live telecast ng Super Radyo DZBB para sa balita at komentaryo sa “Dobol B TV,” pati na ang newscast sa tanghali na “Balitanghali” nina Connie Sison at Raffy Tima.
Mapapanood din ang GMA’s flagship news program na “24 Oras” ng GMA News pillars na sina Mel Tiangco, Mike Enriquez, at Vicky Morales.
Samantala, ang primetime newscast ng GTV na “State of the Nation (SONA)” ay pangungunahan nina Atom Araullo at Maki Pulido. Habang ang mga ulat mula sa mga lalawigan ay ihahatid ng “GMA Regional TV Strip” at “GMA Regional TV Weekend News.”
Bukod sa mga impormasyon at balita, mapapanood din sa GTV ang ilang TV series tulad ng fantasy-romance na “The Lost Recipe” nina Mikee Quintos at Kelvin Miranda.
Magiging Saturday viewing habit naman ang “My Fantastic Pag-ibig,” na koleksiyon ng mga romantic-comedy stories.
Matutunghayan din ang labanan ng magkakaibang henerasyon sa all-original comedy game show na “Game of the Gens” nina Sef Cadayona at Andre Paras.
Idagdag pa ang weekly cooking show na “Farm To Table,” ni ng bagong Kapuso Chef na si JR Royol; ang “Heartful Café,” nina Julie Anne San Jose at David Licauco; ang romance-mystery mini-series na “Love You Stranger" ng real-life couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos; at “FLEX,” ng Gen Z stars na sina Mavy Legaspi, Lexi Gonzales, Joaquin Domagoso, at Althea Ablan.
Patuloy pa ring mapapanood sa GTV’s Happy Hour strip ang "Good News" ni Vicky Morales; "Pinas Sarap" ni Kara David; "Pera-Peraan" ni Susan Enriquez; “IRL” ni Gabbi Garcia; at travel and adventure program na “Biyahe ni Drew” ni Drew Arellano.
Subaybayan pa rin sa GTV ang “Brigada” ni Kara David; ang "iJuander" ni Susan Enriquez; "Pop Talk" ni Tonipet Gaba at “Taste Buddies” nina Solenn Heussaff at Gil Cuerva.
Sa GTV rin mapapanood ang upcoming NCAA seasons.--FRJ, GMA News