Maituturing ni Pauline Mendoza na kaniyang biggest break ang pagiging bida sa bagong Kapuso series na "Babawiin Ko Ang Lahat," lalo na't iba-ibang emosyon ang kaniyang ibinigay sa mga eksena.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing gagampanan ni Pauline ang karakter ni Iris Salvador sa upcoming GMA Afternoon Prime Series na mapapanood na simula Lunes.
"'Yung emotions na nabigay ko talagang iba-iba. Merong talagang malulungkot kayo, kasabay niyo kami umiyak, siyempre sabay-sabay din tayong tatawa, masaya, so halo-halo po 'yung na-build ni Iris as her character," sabi ni Pauline.
Magsisilbi rin nila itong reunion project ni Carmina Villaroel, matapos silang magkasama sa "Kambal, Karibal" kung saan unang nakilala si Pauline bilang si Criselda.
"Ngayon naman nanay pa rin ako pero hindi lang nga sa kaniya. Evil stepmother ako sa kaniya, isa ako sa mga taong magpapahirap sa buhay niya," ayon kay Carmina.
Si John Estrada ang gaganap bilang ama ni Pauline na si Victor Salvador.
"Ako sobra akong humanga kay Pauline, ang unang-unang quality na nakita ko sa kaniya, sobra niyang sipag o pagka-eager niya, she's hungry, she's so motivated," sabi ni John.
Comeback project din ito ni Tanya Garcia-Lapid na gumaganap na ina ni Iris na si Christine.
Pinagsasabay ngayon ni Pauline ang kaniyang pag-aaral at trabaho. – Jamil Santos/RC, GMA News