Hinikayat ni Winwyn Marquez ang kaniyang nakababatang kapatid na si Vitto Marquez na sumailalim din sa Basic Citizen's Military Training para maging Philippine Navy reservist.

Sa "Mars Pa More," ikinuwento ni Vitto na kadalasan niyang tinatanong ang kaniyang ate kung paano nito nalagpasan ang mahirap na training sa reserve force.

"Paano ka nag-survive sa military? Ako nga hindi ko kayang mag-survive doon sa mga training," sabi ni Vitto kay Winwyn.

"Ang dami niyang achievements at such a young age, marami na siyang napapakita na kaya niyang gawin. Kaya nagtatanong ako ng experiences niya sa mga ganu'ng bagay," dagdag ni Vitto.

Muli namang binalikan ni Winwyn ang pinagdaanan niyang marine reservist training na natapos niya noong Nobyembre.

"At first mahirap. Pero kasi kapag gusto mo 'yung isang bagay mapu-push mo 'yung sarili mo hanggang sa limit mo. And I was around inspiring people noong nagte-training ako kasi may teachers, estudyante, may parents, so iba-iba talaga. Kung kaya nilang gawin, kaya ko rin talagang gawin. Na-inspire lang din ako sa mga kasama ko," sabi ni Winwyn.

Matatandaang si Winwyn ang Class President ng kanilang Batch Dakila, at Top 1 din siya sa Class 01-2020 at Top 1 din sa Physical Fitness.

"Na-pressure din ako na galingan pa kasi nga they chose me to lead my batch also. Sabi ko, kailangan kong ayusin kasi ayokong mapahiya sa batchmates ko talaga," ani Winwyn.

"Tsaka si ate Winwyn nu'ng umuwi, puro pasa. Totoo!" sabi ni Vitto bilang birong paglalaglag sa kaniyang ate.

Ilan sa physical exams na ginawa ni Winwyn ang push-ups sa batuhan, at pag-akyat sa mga kabundukan sa Ternate, Cavite nang walang uwian.

"In one day, we did 50,000 steps, hawak 'yung M14 gun namin and backpacks na 15 pounds," ani Reina Hispanoamericana 2017. "We start our day 4 a.m., 5 a.m., we end 10 p.m. Kailangan talaga displinado ka and gusto mo 'yung ginagawa mo kasi if you don't like what you're doing, gi-give up ka talaga."

"I'm asking him to join also," pag-aya ni Winwyn kay Vitto.

Tugon naman ni Vitto: "Why not, why not? I mean, sabi ni ate, ang advise niya rin sa akin na habang bata explore everything na puwede mong gawin."--FRJ, GMA News