Sa pagtugon sa tanong ng mga follower sa Instagram, nilinaw ni Cindy Kurleto ang mga intriga noon na ibinabato sa kaniya tungkol kina Vic Sotto at Jericho Rosales.

Sagot ni Cindy sa tanong kung niligawan siya noon ni Vic Sotto nang magkasama pa sila sa Eat Bulaga: "No, Vic never courted me, I considered him a friend. We were both in happy relationships during the years we worked together."

Tungkol kay Jericho, inamin ni Cindy na tumagal ng dalawang taon ang kanilang relasyon.

Pero hiniwalayan din niya ang aktor para sa lalaking naging asawa niya at ama ng kanilang mga anak na si Daniel Joseph Navalia.

"Almost 2 years, left him for the man who became the father of my children. Someone somewhere will not like this post, but I'm not lying," saad ng dating aktres at TV host.

Si Cindy ang sinisisi noon ng fans sa hiwalayan nina Jericho at onscreen partner nitong si Kristine Hermosa.

Mayroon na ring sariling pamilya ngayon si Jericho Rosales na ikinasal sa model at influencer na si Kim Jones.

Kasal na rin si Vic kay Pauleen Luna, habang si Kristine ay ikinasal naman kay Oyo Sotto, na anak ni Vic.—FRJ, GMA News