Hindi mapigilang maluha ni Kuya Willie Revillame sa ginawang selebrasyon ng kaniyang ika-60 kaarawan ngayong Miyerkoles sa "Wowowin-Tutok To Win."
Ayon sa TV host, nami-miss na niya at gusto na niyang makapiling muli ang mga tao na karaniwang dumadagsa sa studio noong panahon na wala pang COVID-19 pandemic.
"Nami-miss ko kayo, nami-miss ko 'yung mga sigaw niyo, nami-miss ko 'yung mga ngiti niyo. Sana matapos na itong problema natin para maibalik na natin 'yung dati," sabi ni Kuya Wil.
"Nami-miss ko 'yung mga matatanda, mga nanay, lola, mga special na mga bata, mga naka-wheel chair na bumubulong ng pambili ng gamot, pambayad ng matrikula... Nami-miss ko kayo sobra," patuloy pa niya.
Hindi pa rin pinapayagan ang studio audience sa mga variety show sa gitna ng COVID-19 pandemic dahil sa peligro ng hawahan.
"Sana ho bumalik na tayo sa normal, bumalik na kami sa studio at makasama na namin kayo ulit," mensahe ni Willie sa mga manonood, lalo na ang mga parating pumupunta sa Wowowin studio.
"Kayo ho ang nagdala sa akin dito, gusto kong ibalik ito sa inyo lahat. Balewala po ang materyales sa buhay ko. Sana Lord matapos na itong pandemyang ito para makabalik na kami, makapagpasaya na kami araw-araw," hiling ng TV host.
Humingi rin ng paumanhin si Kuya Wil sa mga nakatrabaho niyang nagkaroon ng sama ng loob sa kaniya.
"Sa lahat ng mga katrabaho ko, mga co-host, sa lahat ng sumama ang loob na napagalitan ko, pasensya na kayo. Laging sinasabi ko sa inyo, I am for the show, laging for the show ang iniisip ko, hindi para sa akin, para sa inyong lahat," paliwanag niya.
"Sorry, pasensya na kayo naging emosyonal ako dahil siguro tumatanda na," ani Kuya Wil.
"Lord thank you so much, ginawa niyo akong tulay sa mga taong malulungkot at may pangangailangan. Sixty-years-old na po ako, sana another 60 years para magbigay pa ako ng saya at tulong," hiling ni Kuya Wil.
Kasabay nito, inawit din ni Kuya Wil ang kantang ipinagawa niya kay Verni Saturno na naglalaman daw ng kaniyang puso at isip.
Sa pamamagitan ng naturang awitin, sana raw may maging daan iyon upang maalala siya ng mga tao kapag wala na siya sa mundo.--FRJ, GMA News