Inilahad ng komedyanang si Divine Aucina ang tatlong aktres na itinuturing niyang "strong women" na nagsisilbi niyang inspirasyon sa kaniyang trabaho.
"I get my inspiration from the very inspiring people that I work with. Mostly ang mga inspiration ko ay the strong women in the industry," saad ni Divine sa GMA Regional TV Early Edition.
"Ate Uge (Eugene Domingo), Ms. Cherie (Gil), Nova Villa. Doon ko kinukuha 'yung mga inspiration," dagdag ni Divine.
Inihayag ni Divine ang natutunan niya kay Eugene, na isang film at stage, actress at TV host.
"Ang natutunan ko is that you give opportunities to others who also need it. Kasi ganoon ang ginawa sa akin ni Ate Uge eh. I needed an opportunity and she gave it to me. Hindi lang niya binigay, she nurtured it," anang komedyana.
Natural na raw kay Divine ang pagiging isang comedienne.
"Noong Grade 3 ako I was voted funniest person in the class. Tapos napapansin ko 'yung mga kaibigan ko tawang-tawa sila sa akin, wala pa akong ginagawa. So I guess nasa instinct ko na talaga, nasa genes ko na talaga ang magpatawa."
Gayunman, meron din daw siyang serious side, na mga ka-close lang niya ang nakakaalam.
"But I also have my serious side na konti lang ang nakakaalam. Kapag nakasama niyo ako, masasabi niyong 'Ah, ganu'n pala si Divine, seryoso pala siya sa personal. Pero good vibes pa rin ako."
"Good vibes naman ako, medyo sa personal reserved konti," ani Divine.
Makakasama si Divine sa upcoming Kapuso series na "Legal Wives" na pagbibidahan nina Dennis Trillo, Alice Dixson, Andrea Torres at Bianca Umali.
Tumatalakay ito sa kultura at paniniwala ng mga Muslim, kabilang sa aspeto ng pag-aasawa na pinapayagan ang mga lalaki na magkaroon ng higit sa isang kabiyak.--FRJ, GMA News